ru24.pro
News in English
Декабрь
2024
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29
30
31

[Free to Disagree] Meri Krismas para sa ilan

0

Balak ko sana na bumati na lang sa lahat ng “Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon.” Balak ko sana na magpa-cute na lamang at sabihin na sana ang 2025 ay magdala ng suwerte sa inyo. Nawa’y umangat ang inyong buhay at matamo ninyo ang inyong mga pangarap.

Pero hindi ko kayang sabihin ito. Galit ako at nawalan ng pag-asa para sa 2025. Malamang higit na mahihirapan ang marami sa 2025. Kung maiangat man natin ang ating kalagayan, sariling gawa at suwerte na lang at hindi dahil sa tulong ng gobyerno, partikular ang mga kongresista at senador na gumawa ng 2025 badyet.

Sa badyet na ipinasa ng Kongreso, sila lang ang may pamasko, pang-new year at pang-forever. Para sa nakararami, bawal magkasakit sa 2025, bawal umasa na makatapos ng pag-aaral ang inyong mga anak, bawal umasa ng tulong ang mahirap.

Mag-enjoy na kayo sa mga ayuda at vote buying bago mag-election ngayong Mayo. Nagbigay ang mga buwaya ng malalaking pork barrel sa sarili para umepal at bilhin ang boto ninyo. Pero matagal ko nang sinasabi ito: wala sa kalingkingan ang pansamantala mong ginhawa sa ayuda at benta ng boto sa hirap na papasanin dahil ibinoto ang mga buwayang pagnanakawan tayo sa loob ng tatlong taon. Ang kapalit ng kaunting ginhawa sa Mayo 2025 ay ang kawalan ng pag-unlad ng bayan dahil sa korupsiyon at maling batas ng mga ganid.

Zero badyet sa PhilHealth

Zero ang badyet na inilaan sa PhilHealth. Ang katwiran ng mga senador tulad ni Chiz Escudero at Grace Poe ay may P600 bilyon pa na pondo ang PhilHealth. Hindi nila sinasabi na may “pagkakautang” ang PhilHealth na mahigpit na P1 trilyon. Paano babayaran ng PhilHealth, halimbawa, ang mga ospital na nagbigay na ng serbisyo? At kung malugi ang mga ospital?

Labag ito sa batas mismo na gawa din ng Kongreso. Sa ilalim ng batas, ang gobyerno ay dapat maglaan ng badyet para sa mahihirap, may kapansanan, at senior citizens. Dahil ginawang zero ang kontribusyon ng gobyerno, ’yung mga nakakabayad — tulad ng mga manggagawa, kawani ng gobyerno, kasambahay, at OFW — ang kakarga ng gastos para sa mahihirap na hindi makabayad. 

Kung may savings ang PhilHealth, dapat paramihin ang mga gamot at serbisyo na puwedeng sustentuhan ng PhilHealth, pababain ang mga kontribusyon o premium na ibinabayad ng mamamayan.  Ito ang espiritu ng Universal Health Care Law. Balang araw, dapat wala nang Pilipino na mamumulubi at masisira ang kabuhayan dahil sa sakit. Sa ilalim ng Sin Tax Law, ang dagdag na tax sa sigarilyo at mga soft drink ay dapat ilaan sa PhilHealth. Pero wala naman silang pakialam kung nilalabag nila ang batas! Ang lagay eh…

Binawasan ang pang-edukasyon at 4Ps

“Bahala na,” sabi ng iba. Sana na lang walang magkasakit, makatapos lang sana ng pag-aaral ang mga anak. Ngunit binawasan ng mga mandarambong ang badyet para sa Kto 12 ng P12 bilyon, at P30 bilyon naman ang ibinawas sa mga badyet ng state colleges and universities o SUCs. Ang mga SUC ay ’yung mga kakarampot na kolehiyo at unibersidad na pag-aari ng gobyerno na, kapag sinuwerte kang matanggap, ay libre na ang tuition. Dapat dagdagan taon-taon ang badyet sa edukasyon para maitaas ang suweldo ng mga titser at mapaganda ang mga pasilidad. Dapat dagdagan taon-taon ang badyet dahil kulang ang mga classroom, titser, at SUCs.

Binawasan din ang badyet ng mga programang sumasalo sa mahihirap tulad ng Pantawid Pamilya.

Badyet kabastusan

Alam ninyo ang pinalaki nila? Badyet ng DPWH — ang pinakamalaking gawain ng gobyerno na ginagatasan ng mga pulitiko. Tongpats, beybeh, tongpats! 

Nakakainis na tanging sina Senador Risa Hontiveros at Koko Pimentel lamang ang hindi sumang-ayon sa badyet ng mga bastos na baboy.

Higit na buwisit ang salita ni Speaker Martin Romualdez na badyet pang-hustisya daw ang 2025 badyet. Acheche! Charot! Charing! Ogag! Ayoko ng nagmumura, pero may panahon na karapat-dapat magmura.

New Year’s resolution

Ano ang ating magagawa? Magprotesta! Kausapin ang mga kamag-anak, kaibigan, at kabarkada. Ngayon lang ako makikiusap sa loob ng ilang taon na pagsusulat. Pakipasa ito at iba pang impormasyon sa lahat ng kayang abutin.

Kilatisin ang mga nakaluklok sa poder ngayon. Huwag nang bumoto batay sa ayudang ibinibigay o perang inaalok sa araw ng eleksiyon. Please naman, huwag magpaprito sa sariling mantika. Please naman, alalahanin ang tunay na kinabukasan. Hindi ko nilalahat, pero alamin naman ninyo sino sa Tongresman ninyo ang sumang-ayon sa badyet na ito. Please, bumoto naman tayo batay sa isyu at hindi sa kung sino ang “matulungin” dahil nagbigay ng ayuda. Hindi naman kanila ’yun — pera galing sa buwis, pera natin. Kung puwede na ngang hindi magbayad tayo! Ang kontrata ay nagbabayad tayo ng buwis para bigyan tayong lahat ng serbisyo ng gobyerno, hindi para ibulsa nila. Tapos ’yung kapiranggot na isasauli sa atin, eepalin pa?!?! Bastardong anak ng tipaklong na mabaho!

Kung ako lang, kung hindi ninyo alam ang naging paninindigan ng inyong kongresista sa naging eskandalo na 2025 badyet, huwag na silang pabalikin sa Kongreso. Pumayag po sila. Pumayag na wala man lang tayong narinig na kahit anong salitang pangontra kahit pabulong. Pawang mga buwaya!

Meri Krismas na lang. At ang wish ko sa 2025 ay mabawasan ang mga buwaya — anumang partido, pro-BBM man o pro-Sara — sa Kongreso. Ang tunay na uniteam ay matatag pa rin anumang hidwaan ang lumalabas ngayon. United ang mga sakim. – Rappler.com

Si Sylvia Estrada Claudio ay doktor ng medisina at sikolohiya. Siya ay propesor emeritus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.