ru24.pro
News in English
Сентябрь
2024

[Tabas ng Dila] Ang hirap sa mga academic degree

0

Sa totoo lang, puwede naman talagang kilalaning pambihira at ipagmalaki ang makatapos ka sa college sa bansang ito. Ayon sa datos ng Philippine Business for Education (PBEd) sa kanilang “PBEd State of Education 2023,” isa sa apat na Filipino lang ang nagkakaroon ng college o university degree. At mula dito, ilan naman kaya ang nagpatuloy pang mag-aral at nakakatapos ng master’s, lalo na ang doctorate degree? Lalong pambihira.

Sa datos ng Philippines Statistics Authority mula sa kanilang 2020 Census of Population and Housing sa ilalim ng Literacy Rate and Educational Attainment Among Persons Five Years Old and Over in the Philippines, mayroon lamang 327,063 Filipino ang nakapagtamo ng higit na mataas na pag-aaral o post-baccalaureate education mula sa 97,600,336 na kababayan nating may literacy. Ibig sabihin, if my math serves, isa sa bawat humigit-kumulang 300 katao ang mayroon lamang post-baccalaureate education.

Kung isasama sa datos ang kasarian, lalong magiging pambihira. Sa bawat limang may post-baccalaureate education sa bansa natin, dalawa lamang dito ang lalaki. Ibig sabihin, isang lalaki sa mahigit 700 Filipino lamang ang may nakamit pang mas mataas na degree matapos ang kolehiyo. Kaya naman hindi maiaalis na mayroon talagang tao na ipinagmamalaki nang husto ang kanilang natamong higit na mataas na kaalaman o higher learning sa tuwing mabibigyan ng pagkakataong maipagmalaki ito. Kasi nga, pambihira. Kaya nga bigay na bigay sa tuwing sasabihin ang kanilang natamong diploma. 

Sinasabi itong mga natamong mas mataas na edukasyon sa mga kumperensiya, sa mga seminar o forum. Bago ipakilala ang bawat tagapagsalita, sasabihin ang educational attainment at credentials na kumakatawan sa kanilang, sinasabi nga ni Pierre Bourdieu, cultural capital na masinop na pinalago, one journal article and one research conference at a time, sa pamamagitan ng isang carefully crafted bionote na nagpapakilala sa tagapagsalita.

Ako mismo ay may nakatagong bionote sa bawat okasyong kakailanganin akong ipakilala sa mga seminar at kumperensiya, sa mga forum at literary workshops. Taglay ng bionote ko, gaya halimbawa ng nakasulat sa dulo ng column na ito, ang mga nakamit ko sa buhay. Concise. Hindi parang curriculum vitae. Kung ano lang ang mahalagang cultural capital ko para sa iba’t ibang okasyon. Pero wala akong bionote para sa TV game show.

Sa mga hindi pamilyar sa kuwento noong nagdaang araw, tungkol ito sa isang gurong TV game show contestant, si Tony Dizon. Bago sumalang sa mismong laro sa programang It’s Showtime, habang iniinterbiyu ng host, sinabi niya na katatapos lang niya ng kaniyang master’s degree na kagyat ipinagpatuloy sa pag-enroll sa doctorate degree in leadership management.

Active ang academic life ni Dizon, katunayan ang pagpe-present niya sa isang conference sa Seoul National University, na ayon sa kaniya, siya lang ang tanging Filipino sa research conference na iyon. Nang magsimula ang segment na kung tawagin ay Throwbox!, tinanong si Dizon kung sino ang unang babaeng naluklok bilang pangulo ng bansa. Sinabi niyang si Gloria Macapagal-Arroyo sa halip na si Corazon Cojuangco-Aquino. At doon na nagsimulang maging viral ang dapat sana’y nananahimik na segment na mababaon sana sa limot ng birtuwal na sambayanan. 

Sa totoo lang, ha, nakakakaba ang humarap sa camera ng telebisyon. Puwede ka talagang mautal, malito, makalimot. Allowed ‘yun. Tao lang. Nangyayari talaga. Pero kasi, itong si Dizon, ang daming sinabi hinggil sa kaniyang academic regalia at sa kaniyang motto sa buhay na kaugnay ng kaniyang degree. Hiindi man niya sadya, nang sabihin niya ang kaniyang degree at natamo, itinaas niya ang expectation ng nanonood, lalo na ang nag-download at nag-edit ng video para maging viral (dahil kung wala nito, walang pag-uusapan, thereby wala rin akong topic sa column ko).

Tanggapin nating puwede tayong magkamali. Na nakakalimot tayo. Na iyong simpleng bagay na dapat alam ng karaniwan, na mas lalong dapat alam ng matatalino at may mataas na pinag-aralan, nakakalimutan natin sa harap ng masidhing pressure gaya ng TV gameshow. Ganito rin ang sinabi ni Dizon batay sa kaniyang pahayag na inilathala sa kaniyang Facebook page na Tonymatters: “Here’s a gentle reminder to everyone that no matter how successful you are or how big your achievements are, it’s okay to make mistakes. Mistakes remind us that we are still human but those setbacks don’t define who we are.”

Pambihira naman kasi ang nakamit niya sa buhay. One of more or less 700 Pinoy lang ang makakagawa. Success naman talagang maituturing, pero hindi rin naman talaga ito lisensiya para hindi na magkamali. Puwedeng magkamali. Sa kaso ni Dizon, huwag lang sa harap ng camera. Puwedeng magkamali, huwag lang kasi basic question na disproportionate sa taas ng degree na tinamo at patuloy na itinataguyod.

Hindi naman kasi bawal magkamali, kaya lang masyadong maraming pangako ng kagalingan ang diploma at eskuwela, na minsan hindi kayang i-deliver sa madla, lalo sa harap ng nakaka-pressure na TV camera. Madalas, at ito ang sinasabi ko sa kapwa trabahador sa akademya, may diskoneksiyon kami. Madalas, kami-kami lang sa akademya ang nagkakaintindihan, naghihimasan.

Sino ba ang nagbabasa ng aming nakamit sa paglalathala, lalo iyong may mataas na impact factor at quartile ranking? Sino ba sa labas ng inaamag na pader ng akademya ang nakakaintindi sa nai-deliver naming key performance indicator at keynote address? Kaya nga ngayon, mayroon nang elemento ng pagdamay at paglingap sa pamayanan ang mga unibersidad dahil, kung hindi, lalong tataas ang pader ng akademya.

Maraming matututuhan sa pamayanan ang isang tao na maraming degree at daglat sa pangalan. At aminin man natin o hindi, pamayanan din ang nagpakalat ng video sa isang pambihirang pagkakataong mistulang pumarehas sila sa isang tao na may pambihirang edukasyon. Marami akong natutuhan sa naging reaksiyon ng marami sa viral video. Una na ang hindi pagmamalaki sa academic degree sa gameshow.

“That’s something I should be proud of,” sasabihin ni Dizon sa isang video hinggil sa kaniyang natamo. “Nakakalungkot lang because we’re still in the era of making a mistake, like one mistake, and it will sum up who you are,” sabi pa niya sa uploaded video hinggil sa insidente. Kinakausap ni Dizon ang kaniyang mga bashers na tinawag niyang “negative people.” 

“Sana naisip ninyo na, what if you’re in that position, na that’s very basic answer, pero dumadaloy sa iyo ang pressure,” dagdag pa niya sa video.

Nagkakamali naman kasi talaga tayo, may pressure man ng gameshow man o wala. Pero hindi ito masyadong halata kung sisimulan sana natin sa pagpapakumbaba. Take it from me, may outstanding dissertation award, pero nalilito pa rin kung alin ang kanan o kaliwa. – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.